27/08/2020
Huling salin sa buwang ng wika.
Alam mo ba ang mga katawagan sa mga parte ng selula o sihay (cell) sa wikang Filipino?
Muli, narito ang ating aralin mula pa rin sa aklat ni Gonsalo del Rosario na Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino.
Ang sihay o selula (cell) ay ang 'basic unit of life'. Ang ating katawan ay binubuo ng trilyun-trilyong mga selula. Ang mga selulang ito ang nagbibigay sa atin ng istruktura, naga-absorb ng mga nutrients mula sa ating mga kinakain, lumilikha ng enerhiya mula sa mga nutrisyong ating natatanggap, at iba pang mga specialized functions .
Ang bawat selula ay binubuo ng iba't-ibang mga parte o organelles.
• Lamad ng kaphay (plasma membrane) - kumukontrol sa mga materyales na pumapasok at lumalabas sa selula.
• Butod (nucleus) - ang sentro ng selula. Ito ang 'control center' ng bawat selula. Ang kilit ng butod (nuclear pore) ay ang kumukontrol sa mga bagay na pumapasok at lumalabas sa butod (nucleus). Sa nucleus din matatagpuan ang kulayin (chromatin) na binubuo ng deoxyribonucleic acid o DNA, na naglalaman ng mga impormasyon tulad ng mga genetic material.
• Sulidlawas (mitochondria) - ang 'powerhouse of the cell'. Ito ang nagbibigay ng enerhiya sa selula.
• Ang panloobkaphay na retikulum naman ay maaaring magaspang (rough endoplasmic reticulum) at makinis (smooth endoplasmic reticulum). Ang RER ay ang responsable sa protein synthesis, katuwang ng ribolawas (ribosome), samantalang ang SER naman ang responsable sa lipid synthesis at sa detoxification ng mga mapanminsalang bagay sa loob ng selula.
• Golgilawas (Golgie bodies/apparatus) ay tumutulong sa pag-aayos at paghahatid ng mga protinang nalilikha sa endoplasmic reticulum.
• Biluslawas (lysosome) - ay 'dumudurog' sa mga malalaking molekyul upang ito'y 'mapaliit' at magamit ng selula.
• Ang lungkad (vacuole) ay matatagpuan naman sa mga selula ng halaman. Ito ay responsable sa pag-iimbak ng tubig at iba pang mahahalagang materyales sa selula tulad ng ions at pigments.
• Ang gitbutil (centriole) naman na matatagpuan sa mga selula ng hayop ay tumutulong sa proseso ng cell division.