22/08/2025
IVY MICHELLE CONSTRUCTION AND TRADING INC., MAY HAWAK NG MONOPOLYO NG PROYEKTO SA PALAWAN
Kung si PBBM ay may sinabing 15 major contractor's ng DPWH, sa parte naman ng Palawan mukhang may ganito ring mga pangyayari. Sa usapin ng mga infrastructure projects sa Palawan, kapansin-pansin ang madalas na pagbanggit sa pangalang Ivy Michelle Construction and Trading Inc., na pagmamay-ari ni Josephine Dela Fuente o mas kilala bilang “Ninay.” Maraming Palawenyo ang nagtatanong kung sino siya at bakit tila hawak niya ang monopolyo ng malalaking proyekto sa lalawigan.
Ayon sa mga nakalap na impormasyon, malapit si Ninay sa dalawang kongresista sa Palawan. Dahil sa koneksyong ito, nagiging sentro siya ng usapan pagdating sa mga kontrata: kung hindi ka “dumaan” sa kanya, wala kang makukuhang proyekto sa gobyerno. May mga contractor pa umanong nagsabing kailangan magbigay ng tinatawag na “royalty” kay Ninay para makasama sa listahan ng makakakuha ng pondo mula sa gobyerno.
Dagdag pa rito, lumabas na maging mga proyektong hawak ng kapitolyo noon ay sa kanya rin idinadaan. Dahil dito, mas lalo pang tumibay ang kanyang impluwensya at kontrol sa distribusyon ng mga kontrata.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng Commission on Audit kung magkano ang kabuuang halaga ng mga kontrata na napunta sa Ivy Michelle Construction and Trading Inc., na ngayon ay itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang kontratista sa buong Palawan.
RADIO CENTRO 88.7fm Palawan Broadcasting Network Philippines