16/07/2026
Akala ko i-prioritize na yung sa mga basic phone pero iyon pala gagayahin ang Feature para sa mga smartphones. Eh may disadvantage rin pala sa iba pang part ng hardware sa device iyan.
- Admin MM
Naalala n'yo pa ba noong panahon na ilang segundo lang ang kailangan para mapalitan ang baterya ng cellphone?
Mukhang posibleng bumalik ang konseptong iyon.
Simula umano sa February 2027, magpapatupad ang European Union ng bagong patakaran na mag-oobliga sa mga smartphone at iba pang portable device manufacturers na gawing mas madaling palitan ang baterya ng kanilang mga produkto.
Hindi naman ibig sabihin nito na babalik na ang mga lumang cellphone na natatanggal ang likod at baterya. Ang gusto ng bagong patakaran ay gawing mas madali ang pagpapalit ng baterya kapag humina na ito, nang hindi nasisira ang mismong device.
Layunin nitong mapahaba ang buhay ng mga gadget at mabawasan ang electronic waste. Sa halip na mapilitang bumili ng bagong cellphone dahil mahina na ang baterya, maaari na lamang itong mapalitan.
Gayunman, may exception ang patakaran. Maaaring hindi gawing user-replaceable ang baterya kung matutugunan ng device ang itinakdang pamantayan para sa tibay at water resistance.
Inaatasan din ang mga manufacturer na maglaan ng mga spare parts sa loob ng pitong taon at alisin ang mga software restrictions na maaaring humadlang sa third-party repairs.
Pero bakit nga ba nawala ang removable batteries?
Unti-unting inalis ito ng mga smartphone manufacturer upang makagawa ng mas manipis, mas matibay, at mas maraming feature na mga smartphone. Dahil sa sealed battery design, naging posible ang mas mataas na water resistance, wireless charging, mas malalaking baterya, at mas magandang disenyo ng camera.
May isa pa itong naging benepisyo. Dahil hindi madaling matanggal ang baterya, mas mahirap ding patayin agad ang isang ninakaw na cellphone. Dahil dito, patuloy na gumagana ang mga tracking features na makatutulong sa paghahanap at posibleng pagbawi ng device.
Kayo, sang-ayon ba kayo sa planong ito ng European Union? Mas gusto n'yo bang bumalik ang mga cellphone na mas madaling palitan ang baterya, o mas pipiliin n'yo pa rin ang kasalukuyang disenyo ng mga smartphone?